Nagdagdag ang Malacañang ng P2.5 bilyon para pambili ng dagdag na supply ng bakunang panlaban sa COVID-19.

Ito ang inihayag sa Laging Handa press briefing ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado sa harap ng patuloy na pagsusulong ng national vaccination program ng gobyerno para malabanan ang COVID pandemic.

Sinabi ni Avisado na ang P2.5 bilyon ay huhugutin sa contingency funds ng gobyerno, at ito ay inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kasalukuyan ay mayroong  contingency fund ang  gobyerno na  P13 billion para sa taong ito.

“Ang totohanan niyan, kaa-approved lang ng ating Pangulo ng P2.5 billion equivalent to $56 million chargeable against the 2021 contingency funds. Ang amount na ito will cover the payment of around 4 million doses of vaccines and its corresponding logistical and administrative course which is expected to be delivered ngayong buwan,” ani Avisado.

Sinabi ng kalihim na hindi pa sapat ang mga biniling bakuna ng gobyerno sa pamamagitan ng loan sa mga dayuhang financial institutions kaya kailangang dagdagan ang supply gamit ang contingency fund ng gobyerno.

“Sa taong ito nag-allocate tayo ng P82.5 billion for COVID-19 vaccination program.  Of these amount, P70 billion po yung ginamit natin para ipambili ng mga COVID-19 vaccines at yung P12.5 billion naman ay para sa ancillary and logistical requirements. Subalit hindi po tayo natatapos dito dahil kailangan pa natin ang mas marami pang vaccine. Nakikipag-unahan nga tayo sa ibang bansa kaya nga po itong lahat ng ito ay covered ng mga loan agreements,” dagdag ni Avisado.

Sinabi ng kalihim na hindi maiwasang gamitin ang bahagi ng contingency fund ng gobyerno dahil nais ni Pangulong Duterte na mas maraming Pilipino ang mabakunahan kontra COVID-19 para makabangon ang bansa mula sa idinulot na matinding epekto ng pandemya.

“Hindi lang po talaga P82.5 billion  ang gagastusin natin ngayong taon para sa pagbili ng vaccines kaya pati ang contingency funds ay kailangan ng gamitin,” wika ni Avisado.

The post DBM nagdagdag ng P2.5B pambili ng 4M COVID vaccine first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dbm-nagdagdag-ng-p2-5b-pambili-ng-4m-covid-vaccine/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dbm-nagdagdag-ng-p2-5b-pambili-ng-4m-covid-vaccine)