May kapangyarihan ang gobyerno na kontrolin ang mga taong patuloy na sumusuway sa health protocol para labanan ang kontaminasyong hatid ng COVID-19.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People sa Davao City kasunod ng obserbasyon na marami pa rin ang hindi sumusunod sa mga polisiya para makaiwas sa peligro ng COVID-19.

Sinabi ng Pangulo na batay sa kanyang obserbasyon sa Mindanao, Bacolod at Cagayan de Oro, parang balewala sa mga tao ang peligro ng COVID-19 at panay panay pa rin ang pasyal ng mga ito.

“Kung ayaw ninyong sumunod, then we can go into marami, I could… Ayaw ko pang sabihin but we have the power to control it actually  kung ginusto lang namin na pahirapan ang tao,” anang Pangulo.

May mga lugar aniyang nadaanan ang Presidente pag-uwi  sa Mindanao at nakita nito ang mga tao na walang pakialam sa peligro ng COVID-19 kaya posibleng i-calibrate ng gobyerno ang mga ipinatutupad na aksyon para seryosohin ng mga tao ang peligro ng mabagsik na virus.

“Ang mga tao, balewala parang walang nangyari, parang walang sakit basta pasyal ng pasyal. If you do not honor the protocols, iyan magkakaproblema ka. We might calibrate our response to the intransigence that you will show,” dagdag ng Pangulo.

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na hangga’t hindi sinusunod ng mga tao ang health protocol ay hindi matatapos ang problema ng COVID-19 sa bansa.

“For as long as people do not honor the protocols prescribed by government, kung ayaw nilang sumunod, ayaw nilang maniwala, walang katapusan ang COVID because there are a million and 10,” wika ng Pangulo.

The post Duterte nagbabala sa mga pasaway: Kaya namin kayo kontrolin first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-nagbabala-sa-mga-pasaway-kaya-namin-kayo-kontrolin/)