Simula Enero 1, 2023, ang lahat ng Pilipinong rehistrado na sa national identification (ID) system ay magmamay-ari na rin ng sarili nilang bank account na paglalagakan ng ng mga ayuda at iba pang serbisyong pinansyal ng gobyerno.

Ito ang isinusulong ni Senador Win Gatchalian sa kanyang Senate Bill No. 2251 o ang panukalang ‘One Filipino, One Bank Account Act’ na nag-aatas sa Land Bank of the Philippines (LandBank) at Development Bank of the Philippines (DBP) na magbukas ng bank account ng sinumang Pilipino simula Enero 1, 2023.

Sa ilalim nito, hindi na kailangang magbayad ng opening o maintenance fees o charges sa naturang bank account.

“Sa panukalang ‘One Filipino, One Bank Account Act’, lahat ng walang bank account ay siguradong magkakaroon na, basta may national ID,” ani Gatchalian.

“Hindi na nila kailangang pumila pa para makakuha ng ayuda mula sa gobyerno dahil ilalagak na lamang sa naturang bank account ang ayuda at iba pang tulong pinansyal ng ating pamahalaan,” dagdag pa nito.

Paliwanag ni Gatchalian, ang LandBank at DBP ay awtomatikong magbubukas ng bank account sa sinumang Pilipinong nakapag rehistro sa Philippine Identification System (PhilSys) matapos iprisinta ang national ID.

Sa mga hindi nagparehistro pagsapit ng Enero 1, 2023, maaari silang pumunta sa pinakamalapit na LandBank o DBP branch upang makapagbukas ng bank account at magdala ng mga kailangang dokumento katulad ng government-issued IDs.

Ang bank account na ito ay awtomatikong naka-link sa PhilSys matapos ang pagpaparehistro sa national ID system.

Para sa mga menor de edad o mga walang kakayahan na makapagbigay pahintulot sa pagbubukas ng kanilang bank account batay sa mga mga nakasaad sa Article 1327 ng New Civil Code, sinabi ni Gatchalian na ang kanilang bank account ay iuugnay sa account ng kanilang magulang, legal guardian o sinumang binigyan ng pahintulot na tumayong magulang nila.

“Katulad ng sweldo ng mga empleyado na inilalagay sa ATM, ganito na rin ang mangyayari sa hinaharap sa pamimigay ng tulong pinansyal ng gobyerno kasama na ang mga allowance ng mga iskolars at iba pa. Mabilis, seamless at makakasiguro pa ang ating gobyerno na sa mga tamang kamay mapupunta ang mga tulong pinansyal,” sabi ni Gatchalian.

The post Gatchalian: Bawat Pinoy may bank account sa 2023 first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-bawat-pinoy-may-bank-account-sa-2023/)