Iimbestigahan ng Senado sa gagawing pagdinig sa Miyerkoles ang posibleng pagkakaroon ng sabwatan sa pagitan ng mga generation company (GenCos) sa nangyayaring rotational brownout sa Luzon kasama na ang Metro Manila, ayon kay Senador Win Gatchalian.

“Sa akin, ayoko i-rule out yan, ayoko i-rule out na walang sabwatan na nangyari dahil dapat tignan natin ang lahat. Tignan natin ang performance ng planta tignan natin kung nagkakaroon ng support,” pahayag ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on energy sa panayam sa DZBB.

“Tignan natin kung ano ba talaga ang nangyari. Ayoko i-rule out dahil alam ko merong imbestigasyon ang ginagawa ng DOE at tama naman dapat tignan ang lahat ng anggulong dapat tignan,” dagdag pa nito.

Ikinadismaya pa ni Gatchalian sa tuwing magkakaroon ng red alert o rotational brownout ay kasabay din ng pagsipa sa presyo ng kuryente sa Luzon.

“Tuwing red alert, tuwing magkakaroon ng brownout sisipa ang presyo ng kuryente sa merkado at ang ibig sabihin nito yung bibili ng kuryente sa merkado magbabayad na ngayon ng P19 at P18. Sigurado ipapasa yan sa consumer,” sabi ni Gatchalian.

“At the end tayo ang magbabayad diyan. Syempre ang kikita o makikinabang dito sa mataas na kuryente ay ang nag-generate ng kuryente. Ang mga power plant. So hindi ko rin pwedeng sabihin na walang sabwatan na nangyari. Dapat maimbestigahan ang lahat,” sambit pa nito.

Noong magbalik umano sa normal ang suplay ng kuryente, siya naman pagbaba din sa presyo na P4.20 per kwh.

“Tignan mo ngayon June 5, nung nagno-normalize na, bumaba na siya uli sa normal na level P4.20 per kwh. So makikita natin, ang laki ng ibinaba, from P19 to P4, so makikita natin na tuwing magkukulang ng kuryente sigurado tataas ang presyo at kapag tumaas ang presyo sigurado may makikinabang diyan,” ani Gatchalian.

The post Gatchalian: Sabwatan sa brownout babalatan sa Senado first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-sabwatan-sa-brownout-babalatan-sa-senado/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=gatchalian-sabwatan-sa-brownout-babalatan-sa-senado)