Wala nang lusot ang Department of Information and Communications Technology (DICT) para hindi buuin ang rehistrasyon ng libo-libong mga guro na bibigyan ng personal digital signature para patunayan ang bilang ng mga boto sa Mayo 2022, ayon kay Senadora Imee Marcos.

“Nakahanap na tayo ng solusyon. Kering-keri na natin ito!” pahayag ng senadora.

Paliwanag ni Marcos, chair ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation, naaantala lamang ang rehistrasyon para sa mga digital signatures dahil sa mga DICT hard-copy requirement sa mga guro, gayong ipinanukala na ng Department of Education (DepEd) ang bultuhang pagpoproseso ng verified personal data ng mga guro sa pamamagitan ng pagsusumite sa online ng Excel o CSR (Corel binary script) files.

Aniya, limang taon nang naaantala ang pag-rehistro sa mga guro para makakuha ng personal digital signature na ipinangakong gagamitin sa 2016 at 2019 elections na ‘di naman natupad.

Sabi pa ni Marcos, ang personal digital signatures ang papawi ng takot na imamanipula ng Smartmatic ang resulta ng eleksyon sa susunod na taon.

“May kusang-loob ba ang mga makina? Mas may tiwala ako sa mga guro kaysa mga Smartmatic machines,” diin ng senadora.

“Ang solusyon ay makisakay na lang ang DICT sa DepEd sa nakasanayan nang pagpaparehistro at pagmomonitor sa kanilang 900,000 empleyado,” rekomendasyon ni Marcos.

Sa pamamagitan nito, ani Marcos, matatapos ang rehistrasyon para sa mga  personal digital signature sa Hulyo, na tatlong buwang mas maaga sa iskedyul ng DICT na mula Setyembre hanggang Enero. 

The post Imee Marcos: Digital signature keri sa Mayo 2022 first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/imee-marcos-digital-signature-keri-sa-mayo-2022/)