Muling nagpaalala sa publiko si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dapat maging mapili sa brand ng bakuna kontra COVID sapagkat lahat naman daw ng ito ay epektibo.

“It is high time that the people would know or must know na itong lahat ng vaccine puro effective ‘yan,” wika ng pangulo sa kanyang televised briefing nitong Lunes.

“Kaya ipasok mo sa ulo that itong US-made cannot be a superior brand than the Chinese and other brands in comparing them with each other. Iyan ang tandaan ninyo,” dagdag pa ni Duterte.

Ipinaglaban ni Duterte ang pagiging epektibo ng lahat ng klase ng bakuna matapos din niyang aprubahan ang pakiusap ng mga Pilipinong mandaragat na mga bakunang Moderna o Pfizer lamang ang iturok sa kanila.

Ito ay dahil ang mga nabanggit na bakuna lamang ang pinapayagan ng mga may-ari ng kompanyang humahawak sa mga seaman.

Kaya naman muling sinabi ng pangulo na ang desisyon na ito ay hindi nangangahulugan na mas mainam ang mga bakunang gawa sa US kumpara sa gawang China na Sinovac – na siyang pinakamarami ang supply sa bansa.

The post Lahat ng bakuna epektibo – Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/lahat-ng-bakuna-epektibo-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=lahat-ng-bakuna-epektibo-duterte)