Magsasagawa ang Senado ng imbestigasyon sa nangyaring rotational brownout sa Luzon nito lamang Martes upang mabigyan ng permanenteng solusyon ang kakulangan sa suplay ng kuryente lalo na tuwing summer season.

“Napakakritikal ng sitwasyon sa ngayon kaya hinihiling ko sa Department of Energy na gawin ang lahat ng makakaya lalo na sa mga susunod na araw dahil base sa pagtatayang nakikita ko, mayroon pang mga kakulangan sa supply na nakaambang sa darating na walong araw,” ayon kay Sen. Win Gatchalian.

Napag-alaman din ni Gatchalian  na umabot sa 339,000 na kabahayan sa 90 na MGA barangay na nasa 16 na LGU ang naapektuhan ng power interruption noong Hunyo 1 at damay dito ang dalawang vaccination centers sa Valenzuela City.

Sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 740, iginiit ni Gatchalian ang tungkulin ng DOE na siguruhin ang pagkakaroon ng sapat, dekalidad, maaasahan, at abot-kayang presyo ng suplay ng kuryente sa bansa.

Aniya, dapat na panagutin ang DOE sa mga pagkukulang nito na matugunan ang mga problemang may kinalaman sa kuryente mula pa noong 2016.

“Sa isinasagawa ngang pagdinig ng Senate Energy Committee noong Abril 27, siniguro ng DOE na walang high risk sa kakulangan ng suplay ngayong summer season ngunit hindi nangyari iyon dahil naranasan ng iba’t ibang lugar sa Luzon ang rotational brownouts mula Mayo 31 hanggang Hunyo 1 matapos magkaroon ng red alert,” sabi Gatchalian.

“Kaya mahalaga na magkaroon ang DOE ng mga long-term na solusyon sa problemang ito pati na ang pagkakaroon ng timeline sa mga plano, kasiguruhan na mapabilis ang pagtatayo ng mga bagong planta, maipatupad ang mga programang may kinalaman sa energy efficiency at conservation at isulong ang pagkontrata ng sapat na ancillary reserves,” ani Gatchalian.

“Ang lahat ng ito’y kailangan upang maprotektahan ang publiko at ang ekonomiya ng bansa mula sa mga pagkalugi dala ng mga power outages at pagsipa ng presyo ng kuryente dahil sa limitadong suplay,” paliwanag pa niya.

The post Luzon brownout babalatan ng Senado first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/luzon-brownout-babalatan-ng-senado/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=luzon-brownout-babalatan-ng-senado)