Pinakita ni Kawhi Leonard ang puso ng isang kampeon matapos kumamada ng 45 points para ipanalo ang Los Angeles Clippers sa game 6, 104-97, kontra Dallas Mavericks nitong Sabado (oras sa Pilipinas).

Muling nasaksihan ng mga manonood ang galawan ni Leonard nang dalhin niya ang Toronto Raptors sa 2019 NBA title. Dalawang magkasunod na tres ang binaon ni ‘The Klaw’ sa huling dalawang minuto ng laban upang ibigay sa Clippers ang komportableng 98-90 kalamangan.

Sumuporta naman sa kanya si Reggie Jackson na kumana ng 25 points habang nag-ambag din ng 20 points si Paul George.

Muling nanguna sa Mavericks si Luka Doncic sa kanyang 29 points ngunit dalawa lamang sa siyam na attempt ang naipasok niya mula sa tres. Bukod dito, pitong puntos lamang ang ambag ng inaasahan nilang si Kristaps Porzingis.

Sa Lunes (oras sa Pilipinas) magkakaalaman kung sino sa dalawang koponan ang papasok sa second round ng playoffs kung saan naghihintay ang Utah Jazz.

The post May game 7 pa! Kawhi isinalba Clippers first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/may-game-7-pa-kawhi-isinalba-clippers/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=may-game-7-pa-kawhi-isinalba-clippers)