Tataas ang singil sa kuryente ngayong buwan ng Hunyo ng 7.98 sentimos per kilowatt hour o ang katumbas na P16 sa monthly bill ng mga tahanang ang konsumo ay nasa 200 kWh sa franchise area ng Manila Electric Company.

Magmamahal ang bayarin ngayong buwan sa kuryente dahil nagmahal ang generation charge, transmission charge, tax, at iba pang charge.

Ayon sa Meralco, nagsasagawa pa ito ng refund na 27.61 per kWh sa mga residential customer at suspendido pa rin ang pagsingil ng P00.0025 per kWh na universal charge-environmental charge kaya’t hindi gaano kalaki ang tinaas ng singil.

Sabi ng Meralco, nagmahal ang generation charge dahil tumaas ng P1.6322 per kWh ang kuryente sa wholesale electricity spot market nang nagkulang ang suplay ng kuryente sa Luzon grid. Sabi ng kompanya, ang pangangailangan sa kuryente ng Luzon grid ay nasa 10,425 megawatts lamang noong Abril ngunit nadagdagan ito ng 1,131 MW nung Mayo nang ang pangangailangan ay nasa 11,556 MW na.

Nagdeklara ng yellow alert sa Luzon grid nung May 5 dahil hindi na sapat ang reserbang kuryente at nagkaroon ng posibilidad na mawawalan ng kuryente sa ilang lugar sakaling may planta ng kuryente na pumalya.

Sabi ng Meralco, mataas ang presyo ng kuryente sa WESM nung Mayo kaya’t nagpataw ng secondary price cap mula May 4 hanggang 7 at ulit nung May 20 hanggang May 22 para hindi masyadong sumirit ang presyo ng kuryente.

Sa kabuuan, 6.97 sentimos per kWh ang tinaas ng generation charge sa kabila ng pagmahal ng kuryente sa WESM dahil bumaba ang singil mula sa power supply agreements ng 4.76 sentimos per kWh at bumaba din ang singil ng independent power producers ng P00.037 per kWh.

Ayon sa Meralco, nagmahal naman ng 1.01 sentimos per kWh ang transmission charge kasama na ang mga buwis at iba pang charges para sa residential customers.

The post Meralco taas singil ngayong Hunyo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/meralco-taas-singil-ngayong-hunyo/)