Naghain ng resolusyon ang tatlong mambabatas sa Kamara de Representantes upang kilalanin ang panalo ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire laban kay French boxer Nordine Oubaali sa Los Angeles, California noong Mayo 30.

Ang House Resolution 1821 ay akda nina Speaker Lord Allan Jay Velasco, Northern Samar Rep. Paul Daza at Isabela Rep. Michael Carlos Faustino Dy III.

Napabagsak ni Donaire sa Oubaali sa ika-apat na round ng kanilang laban at nakuha nito ang World Boxing Council Bantamweight belt.

Sa kanyang panalo, si Donaire, 38, ang naging pinakamatandang kampeon sa bantamweight division.

“Whereas, his praiseworthy feat has uplifted the sunken spirit of all Filipinos not only inside the country but also in different parts of the world due to the ongoing pandemic that has brought about untold suffering to countless Filipino families,” saad ng resolusyon.

Pinuri rin sa resolusyon ang pagsusuot ni Donaire ng t-shirt na may nakasulat na “Stop Asian Hate”.

Si Donaire ay tatlong beses ng naging bantamweight world champion at may rekord na 41 panalo kasama ang 27 knockout at anim na talo.

The post Mga kongresista kikilalanin si Donaire first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-kongresista-kikilalanin-si-donaire/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-kongresista-kikilalanin-si-donaire)