Nagpatupad ng deployment ban ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para sa mga overseas Filipino worker (OFW) na tutungo dapat sa Myanmar.

Ayon kay POEA administrator Bernard Olalia, ang deployment ban sa mga OFW ay dahil sa namumuong tensyon dahil sa kudeta sa naturang bansa.

Ito’y kasunod ng pagsasailalim ng Department of Foreign Affairs sa Alert Level 2 sa Myanmar.

“May kaunting kaguluhan po sa Myanmar kaya po ang POEA governing board ay nagpatupad at nagpalabas ng isang resolution na kung saan nakalagay po doon na Level 2 yung state of alertness doon sa nasabing bansa kaya bawal po ngayon ang new hires,” saad ni Olalia.

“Ang pinapayagan lang po natin ma-deploy sa bansang Myanmar ay yung mga balik manggagawa kung tawagin natin. Yung mga direct hires at agency hires na bago po, hindi po papayagan dahil alert level 2 po ang bansang Myanmar,” lahad pa niya.

The post Mga OFW bawal muna sa Myanmar first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-ofw-bawal-muna-sa-myanmar/)