Umapela si Senadora Nancy BInay sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na bawiin na ang Revenue Regulation No. 5-2021 na nagpapataw ng 150 percent dagdag sa income tax ng mga pribadong paaralan sa bansa.

“Marami na nga sa ating mga private school ang nagsara na dahil sa pandemya. Kung ipapatupad ang revenue regulation na ito, siguradong mas marami pa sa kanila ang tuluyan nang magsasara,” sabi ni Binay.

Sa ilalim ng regulasyon na inisyu noong Abril 8, 2021, itataas sa 25% ang income tax sa tinatawag na proprietary education institution na pinapatakbo ng stock corporation mula sa dating 10% lamang.

Ayon kay Binay, ang pagpapataw ng dagdag na buwis sa mga private school ay taliwas sa layunin ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act na isinabatas para mapagaan ang epekto ng pandemya sa mga negosyo sa pamamagitan ng pagbaba sa corporate income tax.

“Tingin namin sa Senado merong lihis sa pagkaka-interpret ng batas. We passed the CREATE Law to help businesses survive the effects of the pandemic through tax incentives,” pahayag ni Binay.

“The law plainly states (Section 2, paragraph-d) the need to create a more equitable tax incentive system that will allow for inclusive growth and generation of jobs. Wala sa intensyon ng batas dagdagan pa ng pasanin at pasakit ang mga eskwelahan,” dagdag nito.

Sabi pa ni Binay, malinaw na kontra ang regulasyon sa spirit ng batas at hiniling nito sa BIR na agad na bawiin ito.

“Sa panahon ngayon, let’s be more sensitive to the struggles our kababayans are going through. Ito ang panahon ng pagtutulungan, at bilang mga kawani ng gobyerno, dapat nasa tamang pwesto ang mga puso natin para sa kapwa Pilipino,” punto ng senadora.

Suportado naman ni Binay ang Senate Bill 2272 na inihain ni Sen. Sonny Angara na naglalayong amiyendahan ang isang seksyon ng National Internal Revenue Code (NIRC) na naglalayong iwasto ang maling interpretasyon sa buwis na ipinapataw sa proprietary educational institutions.

“Tulungan natin silang maka-survive. Wag na nating padapain pa lalo ang mga private school na nagpupumilit na makabangon,” ayon sa senadora.

“Hirap na hirap na nga lahat. Marami nang na-lay-off na teachers; marami nang nagsarang schools; malapit nang bumigay ang mga academic institution–taxing private schools with 25% does not make any sense at all. Konting puso naman sana,” sambit pa nito.

The post Nancy Binay sa BIR: Bawiin dagdag buwis sa mga private school first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/nancy-binay-sa-bir-bawiin-dagdag-buwis-sa-mga-private-school/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=nancy-binay-sa-bir-bawiin-dagdag-buwis-sa-mga-private-school)