Pinaiimbestigahan ni Senador Francis Pangilinan sa Senado ang panukalang dagdag na P25 bilyong pondo para pambili ng COVID-19 vaccine.

Ito’y matapos ihayag ni Budget Secretary Wendel Avisado na kailangan ng gobyerno ng dagdag na P25 bilyon bukod pa sa P82.5 bilyong inilaan para sa vaccine procurement sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2.

“Kailangang busisiin ang mungkahi na ito at nang maliwanagan ang publiko sa dagdag na gastos. Bakit kulang ang kasalukuyang budget? Saan napupunta ang panggastos? Maraming mga katanungan kung kaya dapat ay magkaroong muli ng Senate Commitee of the Whole hearing tungkol dito,” sabi ni Pangilinan.

Nauna nang magtipon ang Senate Committee of the Whole sa kaagahan ng  taong ito na imbestigahan ang Covid-19 vaccination plan kasunod nang privilege speech ni Pangilinan noong Disyembre 2020.

Subalit sabi ni Pangilinan, dapat tingnan ang progreso sa vaccine roll out, kalahating taon mula nang simulan ito.

“We wrote to the Senate President about this matter last March and he said that he is open to reconvening. We hope we can do so even while in sine die adjournment so we can take necessary steps to further improve our vaccine roll-out,” ani Pangilinan.

Nauna nang inihayag ni Avisado na aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dagdag na P2.5 bilyon mula sa 2021 contingency fund para sa pagbili ng apat na milyong dose ng Covid-19 vaccine.

Sinabi pa ng Department of Budget and Management na nakapaglabas na sila ng P59.39 bilyon sa P70 bilyong budget ng Department of Health para sa vaccine procurement.

“We need to be clarified on the current disbursements and spendings that’s why it’s important to convene the Senate Committee of the Whole. Nag-iisa lang ang layunin natin dito: paano pa mas mapapabilis ang vaccine roll-out para maabot ang ating mga kababayan,” ani Pangilinan.

Nitong Hunyo 6, may kabuuang 9,329,050 pa lang ang nakakarating sa bansa mula sa iba’t ibang manufacturer. Sa 6.5 milyong Sinovac vaccine, 5.5 milyon ang binili ng gobyerno at 1 milyon naman ang ibinigay ng Chinese government. 

The post P25B pondo para sa bakuna hihimayin sa Senado first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/p25b-pondo-para-sa-bakuna-hihimayin-sa-senado/)