Naniniwala ang Malacañang na ang vaccination rollout sa A4 category o mga economic frontliner ang magiging hudyat ng pagbabago sa laban ng bansa sa COVID-19.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa ceremonial launching ng A4 vaccination sa Mall of Asia sa Pasay City.

Ayon kay Roque, ang pagbakuna sa sektor ng mga manggagawa ang magiging daan sa muling pagbangon ng bansa mula sa matinding pagkakalugmok sa epekto ng COVID-19.

“Ang pagbabakuna sa A4 ay masasabi nating game changer sa ating laban dito sa Covid-19. Layunin natin na ligtas na makapaghanapbuhay ang ating mga mangagagawa. Ito rin ang magsisiguro na kahit nandiyan ang coronavirus ay hindi masisira o matitigil ang serbisyo ng ating pamahalaan,” ani Roque.

Ang seremonya ay dinaluhan ng mga opisyal ng gobyerno sa gaya nina Health Secretary Francisco Duque III, Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez , Trade and Industry Secretary Ramon Lopez at mga business leader sa pangunguna ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion.

Sinabi ni Roque na ang pagbakuna sa mga manggagawa sa gobyerno at sa pribadong sektor ay simula na ng muling pag-ahon ng Pilipinas.

“Ang okasyon pong ito ay hudyat ng simula ng muling pagbabangon ng Pilipinas dahil ang mababakunahan ngayon ay ang ating A4 workforce,” dagdag ni Roque.

Nasa 35 milyon ang bumubuo sa A4 ayon sa pagtaya ng mga ekonomista kabilang dito ang private sector worker, informal sector worker at self-employer na kailangang mangtrabaho sa labas ng kanilang tirahan.

The post Pagbakuna sa A4 ‘game changer’ kontra COVID – Palasyo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagbakuna-sa-a4-game-changer-kontra-covid-palasyo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagbakuna-sa-a4-game-changer-kontra-covid-palasyo)