Kumpiyansa ang Malacañang na walang epekto sa national vaccination program kontra COVID-19 ang bantang pagpapaaresto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga indibidwal na tumatangging magpabakuna.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na mas mulat na ang kaisipan ng publiko sa bentaheng makukuha sa pagpapabakuna sa harap ng patuloy na panganib ng COVID contamination.

Katunayan aniya ay mas maraming porsyento na ang nagpabakuna at marami pa ang pumipila na para lamang mabigyan ng proteksyon laban sa  COVID-19.

“Wala pong epekto.  Ang tingin ko naman po ay sa ngayon alam na ng ating mga kababayan na ang bakuna ay ang pinakamabisang proteksyon laban sa sakit na talaga namang nakakahawa at nakamamatay,” ani Roque.

Umani naman ng puna at kritisismo ang banta ng Pangulo na pagpaparesto sa mga ayaw magpabakuna at sa halip na COVID-19 vaccine ay bakuna para sa baboy ang itutusok sa puwet ng mga pasaway.

Inatasan na ng Pangulo ang mga kapitan ng barangay para hanapin ang mga mamamayang tumatanggi pa ring magpabakuna laban sa COVID-19.

The post Pananakot ni Duterte walang epekto sa vaccination program – Palasyo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pananakot-ni-duterte-walang-epekto-sa-vaccination-program-palasyo/)