Ipinanukala ni Senador Win Gatchalian ang pagtanggal ng probisyon sa Electric Power Industry Reform Act of 2001 o EPIRA law na nag-uutos sa mga generation company na magsagawa ng initial public offering o IPO.

Ito’y para makahikayat ng mas maraming mamumuhunan sa sektor ng enerhiya sa bansa,

“Kung gusto nating itaguyod ang kumpetisyon at paunlarin ang sektor ng enerhiya, kailangan nating luwagan ang ilang patakaran katulad ng pag-oobliga sa mga generation company na magkaroon ng IPO dahil nagiging balakid ito lalo na sa mas maliliit na renewable energy (RE) gencos,” sabi ni Gatchalian.

“Kung mas marami ang mga kumpanya na makakapagbigay ng suplay ng kuryente, mas maigi ito dahil nakasisiguro tayo ng tuloy-tuloy na serbisyo at mas marami tayong mapagkukunan ng suplay ng enerhiya,” dagdag pa ng chairperson ng Senate Energy Committee.

Ayon kay Gatchalian, ang inisyal na layunin ng public offering requirement para sa mga gencos sa ilalim ng EPIRA ay wala ng katuturan sa ngayon bunsod ng mga pagbabagong naganap sa sektor ng enerhiya.

“Kung gusto nating maka-engganyo ng mga mamumuhunan sa paggawa o paghahanap ng mapagkukunan ng suplay ng kuryente upang mapunan ang tumataas na pangangailangan natin sa susunod na dalawang dekada, kailangan na nating tanggalin ang naturang requirement dahil nagiging balakid lamang ito sa paglago ng industriya,” paliwanag nito.

Sa pagbawi ng nasabing probisyon, iginiit ng mambabatas ang pangangailangan ng mas maraming namumuhunan sa generation sector lalo na’t kakailanganin ng kargdagang 71,817 megawatt (MW) installed capacity pagdating ng taong 2040.

Dagdag pa nito, ang pagkakaroon ng 9,508MW o 13.24% ng karagdagang installed capacity ay manggagaling sa renewable energy upang maisakatuparan ang 1% renewable portfolio standard requirement sa ilalim ng Renewable Energy Act of 2008.

The post Para lumawak ang merkado: IPO requirement sa EPIRA tanggalin – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/para-lumawak-ang-merkado-ipo-requirement-sa-epira-tanggalin-gatchalian/)