Hinikayat ni Senadora Risa Hontiveros ang gobyerno na bilisan ang disbursement ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) bago matapos ang buwan.

Ayon kay Hontiveros, masyadong  mabagal na paggasta ng Bayanihan 2, na sa katunayan ay mae-expire na dapat noong December 19, 2020. Ngunit na-extend pa ito hanggang June 30, 2021. Wala pang balita kung magkakaroon ng special session para talakayin ito.

“Pera na magiging bato pa. Ilang araw na lang, mag-e-expire na ulit ang pondo, pero sa sobrang bagal ng paggasta, dalawang beses nang nabigyan ng chance,” dismayadong pahayag ng senadora.

“Habang nakatengga yan, parami nang parami ang nangangailangan sa ilalim ng krisis. Kailan pa natin balak gamitin ang perang yan?,” tanong pa nito.

Noong December 2020, 47% pa lamang ang nao-obliga ng Department of Health (DOH), sa P12.5b nitong alokasyon sa Bayanihan 2. Sa laboratory testing at human resources for health personnel napunta ang gastos.

Sabi pa ni Hontiveros, ayon sa Department of Budget and Management (DBM), sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2, P495,060,547,684 na ang nagastos para sa pandemya, at ang malaking parte ng pinagkagastusan ay ang mga medical supplies, services, at financial aid.

Ngunit 75.76% pa lamang yan ng kabuuang pondo. Sa Bayanihan 2 pa lamang, may P127,155,172,328 pang hindi nagagamit.

“Kulang na kulang na nga ang Bayanihan 2, hahayaan pang mag-lapse? Bilis-bilisan dapat ang implementasyon ng mga programa. Kung maaari, bawasan na rin ang napakahabang listahan ng requirements para agarang maibigay ang ayuda,” ani Hontiveros.

Sabi pa nito, dapat nang ilabas ang mga nawawalang report ng pondo upang mas mabilis na makapagdesisyon ang bansa pagdating sa paggasta para sa pandemya. Makakatulong aniya ang maayos na reporting bago talakayin ang budget para sa 2022. 

“Bago man lang sana pag-usapan ang 2022 budget, sagutin muna nila kung saan na napunta ang Bayanihan 2. January 2021 pa ang huling report na nai-file ng Malakanyang sa Bayanihan 2. Nasaan na ang iba pang weekly reports para sa transparency at accountability?” ayon pa kay Hontiveros. 

Dagdag pa nya, kahit ang mga report ng DBM ay hindi rin kumpleto.

“Mayroong April 15, 2021 report on obligation and disbursement ang DBM. Pero hindi nito dinetalye kung ano ang nahita ng bayan sa paggastos. Wala ring paliwanag kung bakit hindi umaandar ang ibang programs,” ani ng senador.

“Wala sa DBM report noong Abril ang tungkol sa  service contracting, kung saan less than 10% pa lamang ang naipapamahagi. Ibig sabihin, halos wala pang disbursements. Absent din sa DBM reports ang accounting ng funds na inilagay ng Bayanihan 2 sa Land Bank, nung Pebrero lang,” giit ni Hontiveros. 

The post Pera na, magiging bato pa! Bilisan disbursement ng Bayanihan 2 – Hontiveros first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pera-na-magiging-bato-pa-bilisan-disbursement-ng-bayanihan-2-hontiveros/)