Kung “qualities’ ang pag-uusapan sa mga maugong na kandidato para sa pagka-pangulo sa susunod na halalan, medyo nakakalamang na umano si Senador Panfilo Lacson, ayon kay Senate President Vicente Sotto III.

“Ako’y naniniwala na yung, ika nga, mga kaalaman at experience ni Sen. Lacson, at saka ugali niyan, sa pagkakakilala ko sa kanya, eh maganda ang kapupuntahan ng bansa pagka siya ang tumakbo sa pagka-president,” pahayag ni Sotto sa panayam sa DZRH.

“Kaya kung tinatanong ako kung ako’y tatakbo raw, kung sakaling tumakbo si Ping, pag nagdesisyon ako, siguradong magkakasama kami,” dagdag pa nito.

Nang tanungin kung anong qualities meron si Lacson bukod sa sapat ang kaalaman at karanasan nito, sinabi ni Sotto na walang bahid ng korapsyon ang dating Philippine National Police chief.

“Hindi corrupt at galit sa corrupt, at ika nga’y istrikto. Kapag nagdedesisyon talagang totohanan. Iyan ang kailangang qualities ng mga tao na gusto nating lider, may puso, matapang, may paninindigan, may utak at hindi korap,” diin ng Senate President.

Nauna nang lumutang ang tambalang Lacson-Sotto para sa 2022 national elections subalit ayon sa lider ng Senado, pinag-iisipan at pinag-aaralan pa nilang mabuti ang nasabing usapin.

“Iyan ang pinag-aaralan ko pang mabuti. Maraming nagbigay ng ideya, ika nga graduating na. Sabi ko pag-isipan natin, marami namang option. May option din na mag-retire. Pag-aralang mabuti, hindi madaling magdesisyon diyan,” ani Sotto.

Ayon pa kay Sotto, ayaw naman umano niyang tumulad sa ilang mga politiko na nagkukuwaring hindi tatakbo pero bandang huli ay una pa sila sa listahan ng mga maghahain na kandidatura

“Sa panahon na ito pandemic muna, alamin ang mga puwedeng pagkukulang sa mga kababayan natin. Ayaw ko namang gayahin ang ibang politika noong araw pa, ang mga dayalog di raw tatakbo tapos nangunguna sa pila,” sambit ni Sotto.

The post Ping Lacson hindi korap – Sotto first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ping-lacson-hindi-korap-sotto/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ping-lacson-hindi-korap-sotto)