Dapat tutukan ang libo-libong Pinoy na umayaw sa second dose ng pagbabakuna, ayon kay Vice President Leni Robredo.

Ito’y reaksyon ng Bise Presidente matapos na klaruhin ng Department of Health na hindi isang milyon kundi 113,000 lamang umano ang mga bakunadong Pinoy na umatras sa second dose.

Ayon kay VP Leni, malaking bilang pa rin ang 113,000 lalo’t posibleng ma-expire ang mga bakuna.

“Kahit sabihin pa natin 113,000 ‘yan, ano pa din malaki pa din. And naghahabol tayo ng numbers, naghahabol tayo ng iyong supplies hindi mag-expire, so dapat iyong sistema talaga para masiguro na babalik iyong mga tao,” giit ni Robredo.

Pinunto rin ng Bise Presidente na kulang ang ilang local government unit (LGU) ng mga frontliner para magturok ng bakuna.

“Ang common na problema sa mga LGUs na nakakausap natin, kulang talaga sila ng nagbabakuna, kahit andyan ang supply, kulang ang taga-bakuna,” aniya pa.

Nanawagan din si Robredo na hindi dapat maapektuhan ang mga bakuna ng brownout.

The post Robredo nabahala sa 113K Pinoy na umatras sa ikalawang bakuna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/robredo-nabahala-sa-113k-pinoy-na-umatras-sa-ikalawang-bakuna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=robredo-nabahala-sa-113k-pinoy-na-umatras-sa-ikalawang-bakuna)