Ang kakapusan sa suplay ng kuryente umano ang dapat na asikasuhin ni Energy Secretary Alfonso Cusi at hindi ang pamumulitika.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, mas malaki ang kakulangan ng suplay ng kuryente ngayong Martes kumpara noong Lunes.

“Considering that 458MW (megawatt) is the deficiency of supply today versus 200MW yesterday, so this means double the brown out. Sana ang pagsolusyon dito ang inuuna ni Sec. Cusi hindi yung banggayan sa partido nila para mas tumagal pa si Duterte sa poder,” sabi ni Zarate.

Noong Lunes ay pinangunahan ni Cusi ang pagpupulong ng National Council ng PDP-Laban kung saan inapruban ang isang resolusyon na humihikayat kay Duterte na tumakbo sa pagka-bise presidente sa 2022 national elections.

Sinabi ni Zarate na nakararanas na ng kakapusan ng suplay ng kuryente kahit hindi pa nagbubukas ng todo ang maraming pabrika, mall at iba pang negosyo.

Dagdag pa ni Zarate ang yellow at red warning at indikasyon na mas mataas na ang demand kaysa sa suplay kaya dapat inaatupag ni Cusi ang pagdaragdag ng mga planta ng kuryente.

Dapat din umanong suriin ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at pagawain ang gobyerno ng energy plan na hindi naka-asa sa mga pribadong kompanya.

Mula umano ng maisabatas ang EPIRA noong 2001 ay mahigit doble na ang presyo ng kuryente.

Sinabi naman ni Bayan Muna chairperson Neri Colmenares na ang mga generation company ang dapat na sumalo sa dagdag na gastos ng mga kustomer dahil sa kanilang kapalpakan.

Paliwanag ni Colmenares kapag lumiliit ang suplay ay tumataas ang presyo ng kuryente na siyang sinisingil sa mga kustomer.

“Tama lang ito dahil sila naman talaga ang may kasalanan. May kontrata sila to deliver electricity to the public pero di nila naibigay. Kung nasira ang boiler o anumang problema yan, kargo nila dapat. Wag nilang ikarga sa aming consumers. Ibig sabihin sila ang magbayad sa power shortage at resultang pagtaas ng presyo ng kuryente na sila din naman ang may kagagawan,” sabi ni Colmenares.

Habang naghihirap umano ang mga mamamayan dahil sa brownout, lumalaki naman ang kita ng mga gencos dahil nagmamahal ang kuryente.

The post Suplay ng kuryente hindi politika dapat asikasuhin ni Cusi – Zarate first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/suplay-ng-kuryente-hindi-politika-dapat-asikasuhin-ni-cusi-zarate/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=suplay-ng-kuryente-hindi-politika-dapat-asikasuhin-ni-cusi-zarate)