Malaki  ang matitipid ng gobyerno kung ipatutupad ‘swab-upon-arrival’ na polisiya ng Cebu sa mga dumadating sa international airport nito, ayon kay Senador Joel Villanueva.

“Isa po itong uri ng ‘health checkpoint’ kung saan hindi na pagdadaanan ng ating mga OFWs ang matagal na quarantine kung negatibo sa swab test. Makakatipid po sila ng oras at pera na mas mainam na gamitin nila sa kanilang mga pamilya,” sabi ni Villanueva, chair ng Senate labor committee.

“Magiging mas maikli po ang pananatili ng OFW sa isang hotel, at mas liliit ang gastos para sa gobyerno,” dagdag nito.

Sagot umano ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang itinakdang 10 araw na quarantine sa hotel ng mga OFW.

Sa isang araw, may 10,000 OFW ang nasa 114 na mga hotel. Nagbabala ang OWWA nitong Marso na mauubos na nito ang pondong na P6.2 bilyon ngayong taon nang limang buwan lamang sa gastos nito para sa mga OFWs.

“Kung ipatutupad natin ang Cebu system ng pag-quarantine sa mga dumarating na pasahero sa buong bansa, mahigit P300 milyon po ang matitipid ng gobyerno. Isipin na lang po natin kung gaano karaming pamilya ang makatatanggap ng ayuda mula sa halagang ito,” ani Villanueva.

“Malaki na tipid ng gobyerno, mas madaming oras pa ang magugugol ng mga OFWs sa kanilang pamilya, kumpara kung sila ay nasa quarantine ng dalawang linggo. Malaking bagay po ito sa mga bakasyonistang OFW na limitado lang ang oras,” sambit pa nito.

Ang swab-upon-arrival policy ay ipinatutupad sa Cebu sa bisa ng isang executive order ni Gov. Gwendolyn Garcia at counterpart na ordinansa mula sa Sangguniang Panlalawigan. Tumatalima pa rin ang panuntunan na ito sa kasalukuyang IATF guideline.

Ibinaba sa pitong araw ang quarantine period ng mga OFWs, sa halip ng dalawang linggo. Sasailalim ang mga OFW sa swab test pagdating, at ite-test uli matapos ang pitong araw. Kapag negative ang resulta ng swab test, maaari na silang umuwi sa kanilang mga tahanan at pamilya.

“Mungkahi po natin na subukan itong panuntunan ng Cebu sa ibang mga lugar. Kung tagumpay ito, kailangang kopyahin sa ibang lugar. Dapat suportahan po natin ang innovation lalo na sa panahon ng ‘new normal’ kung saan madaming pagbabago sa ating buhay,” saad pa ni Villanueva.

The post Villanueva: Bilyon matitipid sa ‘swab-upon-arrival’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/villanueva-bilyon-matitipid-sa-swab-upon-arrival/)