Mabigat na parusa ang pinataw ng FoodPanda para sa mga rider dahil lang sa pagdalo sa protesta para idaing ang umano’y hindi patas na computation at kaltas ng naturang food delivery service.

Umabot sa 70 rider ang sinuspende ng FoodPanda dahil sa pagra-rally sa Roxas Avenue, Davao City, kung saan tumagal ang suspensyon ng 10 taon.

Ayon kay Davao United Delivery Riders Association Inc., president Edmund Carillo, nasa 43 rider na lamang ang nanatiling suspendido, ito’y matapos na magkasa umano ang FoodPanda ng whistleblower program kung saan ibabalik ang mga rider kapag ikinanta ang tungkol sa protesta, base sa report ng Inquirer.net.

Ayon kay Carillo, nakipag-usap na sila sa FoodPanda ngunit walang magandang napagkasunduan. Hindi rin umano nila balak mag-rally at unang plano ay ang mag-offline lang sa application ng dalawang araw.

Paliwanag naman ng FoodPanda, kaya sinuspende ang mga rider ay dahil hindi umano sinunod ng mga ito ang kasunduan sa kanilang kompanya.

Ayon sa FoodPanda, nagsasagawa sila ng dayalogo sa mga rider, at nais na idaan lamang ang kanilang mga hinaing at feedback sa kanilang sariling support channel.

Depensa din ng food delivery service company na patas ang kanilang structure pagdating sa compensation.

“Foodpanda has always provided a fair compensation structure, so riders can earn a living in a flexible way,” ayon sa FoodPanda.

Una nang naibalita na umaray ang mga rider dahil mula P75 average na kita kada delivery noong 2019, ay naging P28 na lamang ito ngayon.

Bukod pa rito, inireklamo din ang binabawas na P280 kada buwan para sa insurance, ngunit hindi naman umano ito nagamit ng isang rider na naaksidente.

The post 1 dekadang suspensyon talamak sa FoodPanda first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/1-dekadang-suspensyon-talamak-sa-foodpanda/)