Pinatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pitong ospital dahil sa umano’y overpriced na remdesivir, na ginagamit kontra COVID-19.

Ito’y batay sa reklamo ng ilang pasyente na umaabot umano ang presyo ng remdesivir sa P12,000 hanggang P30,000.

Kasama sa mga pinadalhan ng subpoena ng NBI ay ang St. Clare Medical Center sa Makati, Assumption Specialty Hospital and Medical Center sa Antipolo, Manila East Medical Center sa Taytay, Allied Care Experts Medical Center sa Pateros, City of Imus Doctors Hospital sa Cavite, at Metro North Medical Center at Diliman Doctors Hospital sa Quezon City.

Dahilan umano ng mga ospital, hindi sila nakakuha ng memorandum mula sa Department of Health (DOH) hinggil sa suggested retail price (SRP) ng remdesivir.

Pinunto rin ng mga representative ng ospital na nagtataas ng presyo ang kanilang supplier ng nasabing gamot.

Itinakda ng DOH ang SRP sa 100 ml ng remdesivir sa P1,500 hanggang P8,200.

Posibleng managot ang mga ospital sa paglabag sa Republic Act 7581 o ang Price Act.

The post 7 ospital kinalampag ng NBI sa overpriced remdesivir first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/7-ospital-kinalampag-ng-nbi-sa-overpriced-remdesivir/)