Ayaw pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo sa pagka-presidente ang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa 2022 elections.

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Pangulo na ayaw niyang mabastos ang kanyang anak sa mga taong katulad nina dating Senador Antonio Trillanes IV at Senadora Leila de Lima na walang ginawa kundi umatake sa tao.

Masasaktan aniya siya sa pambabastos ng mga kritiko kaya mas mainam na ipaubaya na lamang sa mga ito ang pagpapatakbo sa gobyerno.

“My stand is I am against really the candidacy of my daughter. I want her spared from the vagaries of politics dito sa Pilipinas, lalo na itong mga personalities around in the likes of Trillanes, si de Lima,” anang Pangulo.

Sinabi ng Presidente na mas gusto niyang ang mga kritiko nito ang tumakbo at manalo para makita kung paano nila patakbuhin ang gobyerno.

Dito makikita aniya ng publiko kung paano sila magtrabaho at matikman kung gaano kahirap ang mangasiwa sa gobyerno.

“So I would rather na sila-sila na lang ang patakbuhin at sila’y manalo, nagdadasal ako niyan at makita nila kung papaano nila patakbuhin ang gobyerno, kung gaano kahirap,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi ng Presidente na maaaring tumakbo si Mayor Sara sa ibang pagkakataon at hindi sa panahong ito kung saan maingay ang mga taong katulad nina De Lima at Trillanes.

“Gusto ko itabi ko na lang muna ang anak ko. Maybe some other time, not at this time when the Philippine politics is crowded with people in the likes of Trillanes tapos yung si De Lima,” wika ng Pangulo.

Nauna rito nagpahayag si Mayor Sara na bukas siya sa posibilidad na sumabak sa pagka-pangulo sa darating na eleksyon.

The post Babastusin lang nina Trillanes, De Lima! Digong tutol sa pagtakbo ni Sara bilang Pangulo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/babastusin-lang-nina-trillanes-de-lima-digong-tutol-sa-pagtakbo-ni-sara-bilang-pangulo/)