Hangad ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabuwag at malansag ang lahat ng mga rebeldeng grupo sa bansa sa pagtatapos ng kanyang termino.

Sa kanyang Talk to the People Lunes ng gabi, kinilala at pinasalamatan ng Pangulo ang Hukbong Sandatahan sa patuloy na paglansag sa mga galamay ng kilusang komunista na naghahasik ng karahasan sa iba’t ibang panig ng bansa.

“I’d like to thank again, the Armed Forces of the Philippines for continuing the dismantling of so many guerrilla fronts throughout the country,” anang Pangulo.

Sinabi ni Duterte na maganda ang ginagawa ng militar laban sa mga rebeldeng New People’s Army at kung magpapatuloy ito ay hindi malayong matuldukan na ang karahasan ng mga ito at matapos ang problema sa mga rebelde bago matapos ang kanyang termino.

“I would like to say that it is a job well done and if this continues, the CPP-NPA-NDF is in the throes of death. We might be able to hopefully dismantle all by the time I get out of this office,” dagdag ng Pangulo.

Ini-report ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles sa Pangulo na patuloy ang ginagawang pagbuwag ng Armed Forces of the Philippines sa mga galamay ng komunista sa pamamagitan ng counter-insurgency effort ng National Task Force to End Local Communist and Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Patunay aniya rito ang pagbuwag sa Kilusang Larangang Gerilya (KLG)-Sierra Madre sa San Fernando, Pampanga kamakailan. 

The post Bago bumaba sa pwesto: Duterte gustong ubusin mga komunista first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bago-bumaba-sa-pwesto-duterte-gustong-ubusin-mga-komunista/)