Hindi pa umano kumpleto ang senatorial slate ng PDP-Laban at marami pang mga aspirante sa pagka-senador ang nagpahayag ng intensyong tumakbo sa ilalim ng partido, ayon kay Senador Christopher ‘Bong’ Go.

“Mayroon pong mga siyam na cabinet members, mayroon pong mga re-electionist, at mayroon din pong mga come-backing senators na gusto pong luminya sa ating mahal na Pangulo. At mayroon din pong mga baguhang pangalan na gusto pong sumama sa Senate slate ng ating mahal na Pangulo,” sabi ni Go.

“As of now, wala pa pong final list. ‘Yung inilabas ni Governor [Ben] Evardone, ay initial list lang po iyon base sa mga diskusyon with the party member,” dagdag pa nito.

Kasama sa inisyal na listahan sina Metropolitan Manila Development Authority Chairman Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr., Presidential Communications Secretary Martin Andanar, Presidential Anti-Corruption Commission Chairman Greco Belgica, Labor Secretary Silvestre Bello 3rd, Information and Communications Technology Secretary Gregorio Honasan 2nd, Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, Transportation Secretary Arthur Tugade, at Public Works Secretary Mark Villar.

Bukod diyan, ang iba pang posibleng kumandidato ay sina House Deputy Speaker Loren Legarda, Senate Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri at dating Senador JV Ejercito.

Tiniyak naman ni Go na pipiliin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kandidatong nakalinya sa legislative agenda na hangaring maipagpatuloy yung mga magagandang pagbabago na nasimulan ng pangulo.

“At higit sa lahat, pipiliin niya ‘yung mga taong inuuna parati ang kapakanan ng taumbayan at yung intensyon na makapagserbisyo lalo sa sambayanang Pilipino,” diin ni Go.

Subalit nakatuon umano ngayon ang pangulo at ang kanyang administrasyon sa pagpapalakas ng Covid-19 response at economic recovery.

“Ngunit sa ngayon, naka-focus po kami ni Pangulong Duterte sa COVID-19 response at economic recovery measures. Ito muna ang pagtuunan natin ng pansin. Bakuna muna, bago ang politika,” sabi pa ng senador. 

The post Bong Go: ‘Manok’ ng PDP-Laban sa Senado ‘di pa plantsado first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bong-go-manok-ng-pdp-laban-sa-senado-di-pa-plantsado/)