Makupad na ang antas ng hawaan ng COVID-19 sa Metro Manila.

Ito ang inihayag ng OCTA Research sa harap ng patuloy na pagbabantay sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.

Sinabi ni Dr. Guido David na bumaba na ng tatlo porsiyento ang kaso ng mga tinatamaan ng COVID-19 subalit mabagal ang pagbaba nito.

“Hindi naman tumataas pero bumaba ng mga three percent, sobrang bagal na nga parang halos flatless na eh, so yung pagbaba niya, slight lang,” ani David.

Bagama’t nananatili ang banta ng COVID-19, sinabi ni Dr. David na hindi na alarming o hindi nakakabahala ang sitwasyon kung ikukumpara noong nagkaroon ng pagsirit ng hawaan noong buwan ng Abril hanggang Mayo.

Sa pangkalahatan aniya, nasa moderate risk ang assessment ng OCTA sa buong bansa subalit kailangan pa ring panatilihin ang mga ginagawang pag-iingat para masigurong ligtas sa peligro ng hawaan.

“Hindi siya alarming. Sa NCR kasi nasa moderate risk tayo. Pangkalahatan, parang moderate risk yung assessment natin, pero hindi naman low risk at saka meron mga areas na high risk pa rin,” dagdag ni Dr. David.

Sa paniwala ng OCTA Research, natuto na ang mga tao na mag-ingat dahil sa matagal na panahong nanalasa ang COVID-19 sa bansa.

The post COVID case sa NCR bumaba na – OCTA first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/covid-case-sa-ncr-bumaba-na-octa/)