Kung si Energy Secretary Alfonso Cusi ang masusunod, mas bagay na pambato ng PDP-Laban si Davao City Mayor Sara Duterte kaysa kay Senador Manny Pacquiao.

Ayon sa sinibak na vice chairman ng partido, nakatakbo na sa ilalim ng PDP-Laban si Inday Sara, habang si Pacquiao ay hindi pa.

“Si Manny Pacquiao, ‘di pa po nakatakbo under PDP, na ginamit ang CONA (Certificate of Nomination and Acceptance) ng PDP. Kung sasabihin na who is more PDP? Si Mayor Inday is more PDP kasi she ran for PDP when she ran for mayor,” giit ni Cusi sa panayam ng ANC.

Noong 2016 elections ay naging parte si Pacquiao ng senatorial slate ng United Nationalist Alliance (UNA). Lumipat ito sa PDP-Laban bago magsimula ang 17th Congress.

Samantala, sa pareho ring taon ay walang inendorsong senatorial candidate ang PDP-Laban.

Lahad pa ni Cusi, ilang henerasyon nang hawak ng mga Duterte ang PDP-Laban bago pa mabuo ang Hugpong ng Pagbabago.

“Si Mayor Inday, she was a PDP. Itong mga Duterte, three generations na po ‘yang PDP…They are all PDP until nagkaroon nga po nitong Hugpong,” paliwanag pa ng kalihim.

Matatandaan na tinanggal si Cusi sa partido, kasama pa ang dalawang opisyal, dahil sa pag-endorso kay Inday Sara, na hindi pormal na kabilang sa PDP-Laban. 

The post Cusi: Inday Sara mas swak sa PDP-Laban kaysa Pacquiao! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/cusi-inday-sara-mas-swak-sa-pdp-laban-kaysa-pacquiao/)