Marami umanong maaaring gawin ang gobyerno para makapagbigay ng P10,000 ayuda sa bawat pamilya.

Ayon kay dating Speaker Alan Peter Cayetano maaaring magpatupad ng mandatory four percent savings ang gobyerno sa mga ahensya para malikom ang kailangang pondo.

“If we institute a mandatory savings of four percent this year, makakabuo ka ng close to P200 billion. More than enough iyon for all Filipino families na makatanggap ng P10,000,” sabi ni Cayetano.

Ginawa na umano ito noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos.

Sa gitna ng mga ulat na maraming ahensya ang bigo na magamit ang kanilang pondo, sinabi ni Cayetano na maaari ring likumin ang mga ito upang magamit sa ibibigay na ayuda.

“Marami rin kaming nakita na hindi nagagastos ng gobyerno. Kulang yung absorptive capacity ng agencies natin,” sabi pa ng solon.

Maaari rin umanong magbenta ang gobyerno ng mga bonds gaya ng mga war bonds na ibinebenta tuwing panahon ng gera para makalikom ng pondo na pantustos sa pangangailangan ng mga sundalo.

“After every crisis, economic boom naman ang dumarating. Kaya nababayaran yung mga inutang through war bonds,” punto ni Cayetano.

Iginiit ni Cayetano na hindi makakasama sa ekonomiya ang pagbibigay ng P200 bilyong ayuda sa bawat pamilya.

“Another P200 billion para ilagay sa bulsa ng ating mga kababayan won’t be harmful to our economy,” sabi pa ni Cayetano. “Napakaraming paraan kung gusto talaga.”Itinutulak ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyado ang pagbibigay ng P10,000 ayuda pero hindi ito isinama sa panukalang Bayanihan 3. 

The post Daming paraan para maibigay P10K ayuda – Cayetano first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/daming-paraan-para-maibigay-p10k-ayuda-cayetano/)