Sa pormal na pagwawakas ng School Year (SY) 2020-2021 nitong Hulyo 10, dapat magkaroon ng masinsinang pagrepaso sa programang distance learning ng Department of Education (DepEd) bilang paghahanda naman sa SY 2021-2022, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Sa Senate Resolution No. 739, nais ng senador na ipasuri ang kahandaan ng mga paaralang maghatid ng dekalidad na edukasyon para sa SY 2021-2022—sa pamamagitan man ng limited face-to-face classes, distance learning, o iba pang mga paraan ng pagtuturo.

Sa Pulse Asia Survey na kinomisyon ni Gatchalian noong Pebrero, wala pang kalahati sa mga magulang na may anak sa basic education o 46 porsyento ang nagsabing natututo ang kanilang mga mga anak.

Tatlumpung (30) porsyento naman ang hindi matukoy kung natututo o hindi ang kanilang mga anak, at dalawampu’t limang (25) porsyento naman ang nagsabing hindi natututo ang kanilang mga anak.

Lumabas din sa naturang survey ang pangunahing mga isyung kinakaharap ng mga magulang, mga guardian, at ng mga mag-aaral mula noong pumutok ang pandemya.

Kabilang dito ang hirap sa pagsagot sa mga modules (53 porsyento), mahina o paputol-putol na internet (43 porsyento), hirap sa pagtutok o katamaran sa pakikinig (42 porsyento), at kakulangan ng mga gadgets para sa distance learning (36 porsyento).

Bagama’t ipinagpaliban muli ang pilot test ng limited face-to-face classes, sinabi pa ni Gatchalian dapat pa ring paghandaan ng DepEd ang muling pagbubukas ng mga paaralan sakaling payagan na ang pagsasagawa nito.

Isa sa mga mahahalagang hakbang na dapat gawin, halimbawa, ay ang pagtiyak na may sapat na pasilidad para sa tubig at kabuuang sanitation ng mga paaralan. 

The post Distance learning repasuhin – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/distance-learning-repasuhin-gatchalian/)