Mistulang taga-anunsyo na lamang umano ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ang Department of Energy (DOE).

Ayon kay House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, wala itong nakikitang ginagawa ang DOE upang mapigilan ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

“Ang nangyayari sa DOE ay taga-announce na lang ng oil price hikes pero kahit rekomendasyon kung paano mapapababa ang presyo nito at maging sa kuryente ay wala tayong naririnig,” sabi ni Zarate.

Ngayong Martes ay ipinatupad ng mga kompanya ng langis ang dagdag na 10 sentimo sa presyo ng bawat litro ng gasolina at 30 sentimos sa bawat litro ng diesel.

Sinabi ni Zarate na ngayong taon ay P11.85 na ang itinaas ng presyo ng kada litro ng gasolina, P10.20 sa diesel at P8.71 sa kerosene.

“Pero wala pa ring ginagawa ang DOE para mapababa ito maski rekomendasyon man lang,” dagdag pa ng solon.

Nanawagan si Zarate sa Kongreso na ipasa ang mga panukala na makatutulong upang ma-regulate ang presyo ng produktong petrolyo at matiyak na tama ang ipinatutupad na pagtaas. 

The post DOE taga-anunsyo na lang ng price hike—Bayan Muna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doe-taga-anunsyo-na-lang-ng-price-hike-bayan-muna/)