Naghahanda na ang Department of Health (DOH) para sa posibleng pag-atake ng mabagsik na Delta COVID variant matapos maitala ang pagkamatay ng dalawa katao.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na pinapaigting na nila ang health system capacity sa mga ospital para mapaghandaan ang posibleng pag-atake ng Delta variant.

Pinadadagdagan na aniya ng DOH ang bilang ng mga kama sa mga ospital at imbentaryo ng oxygen supply gayundin ang mga gamot at iba pang kailangan sa hindi inaasahang giyera laban sa Delta variant.

“Improving health system capacity. Kailangan po lahat ngayon ay handa na to expand the number of beds in hospitals, we should do inventories of our oxygen supply, we should preposition logistics already like drugs and other supplies na kakailanganin ng ating mga ospital para lahat po tayo ay handa,” ani Vergeire.

Bukod sa mga nabanggit na paghahanda, sinabi ng opisyal na kailangang paigtingin ng mga lokal na pamahalaan ang contact tracing para mas mabilis na maagapan ang posible pang pagkalat ng mabagsik na virus.

“Kailangan paigtingin ng LGUs ang PDITR response natin doing active case finding and also they have to shorten the duration from the time that a person is detected na may symptom o positibo hanggang sa ma-isolate sila o ma-quarantine para mas bumaba ang mga kaso,” dagdag ni Vergeire.

Batay sa record ng DOH, mayroong naitalang 35 Delta variant cases sa bansa, dalawa ang namatay at ang 33 ay nakarekober na sa sakit.

Wala na aniyang aktibong kaso na tinamaan ng Delta variant subalit kailangang matukoy ang mga nakasalamuha ng mga ito para hindi na maikalat pa sakaling nahawaan ang mga ito.

The post DOH naghahanda na vs Delta variant first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doh-naghahanda-na-vs-delta-variant/)