Inanunsyo ni Labor Secretary Silvestre Bello III na abot sa 3,000 overseas Filipino worker (OFW) ang bibiyahe na patungong Israel.

“Ang daming kailangan doon na caregivers, hotel workers at farm workers,” saad ni Bello sa panayam ng TeleRadyo.

Ito’y kasunod ng pagtanggal ng suspensyon sa deployment ng mga OFW sa naturang bansa na tumagal ng lampas dalawang buwan.

Ang pagpigil sa mga manggagawang Pinoy na pumuntang Israel ay nag-ugat sa gulo sa pagitan ng mga Israeli at Palestinian.

Ayon kay Bello, umaayos na ang estado sa Israel para masigurong ligtas ang mga kababayan sa nasabing bansa.

“‘Yung assessment ng Labor attaché namin sa Israel na medyo tumahimik na ang sitwasyon doon at ligtas na ang ating OFW,” ayon pa sa kalihim.

Inalis na rin ng Department of Foreign Affairs ang kanilang alert level 3 sa Israel, na isa sa naging factor sa pagtanggal ng deployment ban ng DOLE.

The post DOLE: 3K OFW puwede na bumiyahe sa Israel first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dole-3k-ofw-puwede-na-bumiyahe-sa-israel/)