Kung si Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ang tatanungin, tamang inalis na lang si Energy Secretary Alfonso Cusi sa PDP-Laban kaysa magkalamat pa ang kanilang pagkakaibigan.

Ayon kay Pimentel, executive vice chairman ng partido, dapat umano’y ‘passive’ lang at hindi nag-asal presidente ng PDP-Laban si Cusi.

“‘Yong mga titulong vice chairman, hindi ka dapat kumikilos na executive. Ano ka lang, passive position lang ‘yan. Di ka kumikilos na parang ikaw ang presidente ng partido, chief executive ka ng partido, hindi dapat ganoon,” saad ni Pimentel sa panayam ng DWIZ.

Punto pa ng mambabatas, ang pagsuporta ni Cusi sa pagtakbo ng ibang kandidato na labas sa kanilang partido ay nangangahulugan na tama lang na umalis na ito sa PDP-Laban.

Tinutulak umano ni Cusi ang pag-endorso kay Davao City Mayor Sara Duterte sa pagka-Pangulo, na may sariling partidong Hugpong ng Pagbabago.

Ito’y kahit pa malakas ang ugong na tatakbo rin bilang Pangulo ang PDP-Laban president na si Senador Manny Pacquiao.

“Kasi kung sagot sa tanong outsider ang gusto namin, eh ‘di magusap na lang tayo. Better na maghiwalay na lang tayo nang maayos, magkaibigan pa tayo hindi pa tayo nag-aaway,” lahad ni Pimentel.

“Eh ‘yong manok niyo meron ding sariling political party, bakit hindi kayo makalipat doon,” aniya pa.

Matatandaan na sinibak si Cusi sa PDP-Laban, kasama pa sina deputy secretary general Melvin Matibag at membership committee head Astra Naik, dahil sa pakikipag-alyansa sa ibang partido.

The post Doon ka sa manok mo! Cusi pinapalipat ni Pimentel sa Hugpong first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doon-ka-sa-manok-mo-cusi-pinapalipat-ni-pimentel-sa-hugpong/)