Nalasap ng Team USA ang kanilang kauna-unahang pagkatalo sa isang koponan mula Africa.

Ito’y matapos silang malusutan ng Nigeria, 90-87, sa kanilang unang exhibition match bilang paghahanda sa Tokyo Olympics.

Naging maalat ang simula ni Kevin Durant, ngunit sinubukan nitong pahabulin ang USA nang pumukol ng magkakasunod na tres sa mga huling minuto.

Naging matikas naman ang Nigeria sa pangunguna ni Miami Heat guard Gabe Vincent, na pumukol ng anim na tres para tumapos ng may 21 puntos.

Sinalpak din ni Vincent ang dalawang pangdiin na free throw para tuluyang magiba ang USA.

Ang Team USA ay puno ng mga NBA All-Star, kung saan nakasama ni Durant sina Jayson Tatum, Damian Lillard, Zach Lavine at Bam Adebayo.

Hindi rin nagkulang sa NBA player ang Nigeria, kung saan kasama din sa koponan sina Precious Achiuwa at KZ Okpala ng Miami Heat, Josh Okogie ng Minnesota Timberwolves, Jahlil Okafor ng Detroit Pistons at Miye Oni ng Utah Jazz.

Sunod na haharapin ng USA ang Australian national team para rin sa exhibition game.

The post Durant, USA pinahiya ng Nigeria! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/durant-usa-pinahiya-ng-nigeria/)