Pinag-iisipan ni Pangulong Rodrigo Duterte na isarado ang mga border ng Pilipinas dahil sa pagdami ng kaso ng Delta variant sa bansa.

Sa report ng CNN Philippines, sinabi ng Pangulo na magpapatawag siya ng meeting kasama ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease para mapag-usapan ang hakbang kontra sa mas nakahahawang variant ng COVID-19.

Ayon sa Pangulo, nais niyang malaman muna ang mungkahi ng mga medical expert bago magdesisyon ukol sa posibleng mas mahigpit na health protocol.

Matatandaan na nagpatupad na ng travel ban sa mga bansang Indonesia, India, Pakistan, Bangladesh, Nepal, Sri Lanka, Oman at United Arab Emirates dahil din sa Delta variant.

Samantala, kinumpirma naman ng Department of Health (DOH) na may local transmission na ang variant na unang natuklasan sa India.

Sa ngayon ay nasa 47 na ang kabuuang kaso ng Delta variant sa bansa, walo ang active case habang tatlo ang nasawi.

The post Duterte balak ikandado Pilipinas sa ibang bansa first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-balak-ikandado-pilipinas-sa-ibang-bansa/)