Pantakot lamang sa mga kalaban sa pulitika ang planong pagtakbo sa pag-bise presidente sa 2022 elections.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People sa harap ng mga agam-agam at planong pagkuwestiyon sa Korte Suprema ng ilang grupo sa plano nitong pagtakbo muli sa darating na eleksyon.

Sinabi ng Pangulo na kung makabubuti para sa bansa ay gagawin niya, pero kung hindi naman makakatulong ay huwag na lang ituloy dahil magsasayang lamang ito ng oras.

“Ako naman yung vice president ko pantakot lang sa kanila yan. But sabi ko, let us see if it is good for the country, I will do it. If it does not contribute anything to our Republic, then huwag na lang, magsasayang lang tayo ng oras pati you contribute to the conundrum of the moment,” anang Pangulo.

Naunang inihayag ng Presidente na ikinukunsidera nito ang pagtakbo sa pagka-pangalawang pangulo para maipagpatuloy ang mga nagsimulang kampanya sa gobyerno partikular sa iligal na droga at korapsyon.

Pero kung hindi naman aniya kakampi ang susunod na Presidente ay mas mabuting huwag na lang itong ituloy.

Matatandaang naglabas ng resolusyon ang partido ni Pangulong Duterte na PDP-Laban para himukin ito na tumakbo sa pagka-bise presidente sa darating na halalan na matinding tinutulan naman ng pangulo ng partido na si senador Manny Pacquiao.

The post Duterte: Pagtakbong VP panakot lang first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-pagtakbong-vp-panakot-lang/)