Hindi lang mga nagbebenta at importer ng hindi rehistradong bakuna ang mapaparusahan, ayon kay Food and Drug Administration (FDA) director general Eric Domingo.

Paliwanag ng FDA chief, maging ang doktor na nagturok ng COVID-19 vaccine na hindi rehistrado ay makakasama sa kaso.

“Pareho sila na mayroong kaso: iyong doktor na nagbigay ng gamot at iyong importer at distributor kasi bawal magpasok ng gamot na hindi rehistrado,” ayon kay Domingo.

Ito’y matapos umamin si San Juan Rep. Ronaldo Zamora na nagpaturok siya ng ‘bootleg’ na Sinopharm vaccine noong Disyembre 2020.

Matatandaan na ang Sinopharm ay binigyan ng compassionate use ng FDA, ngunit para lang ito sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG).

Paliwanag naman ni Domingo, hindi maaaring makasuhan ang sinumang naturukan ng hindi rehistradong bakuna.

“Sa atin pong batas, wala pong pananagutan ang mga nakabili o nabigyan ng mga substandard, unregistered, falsified o poor quality na gamot,” saad ng FDA chief.

The post FDA: Doktor na magtuturok ng unregistered bakuna sabit sa kaso first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/fda-doktor-na-magtuturok-ng-unregistered-bakuna-sabit-sa-kaso/)