Muling binalaan ni Senador Win Gatchalian ang mga financial service provider, kasama na dito ang online lending platform, laban sa kanilang mapang-abusong pamamaraan ng pangongolekta ng utang sa atrasadong bayad ng mga kliyente at sinabing itataguyod niya ang pagsasabatas ng parusang pagpapakulong sa ganitong mga gawain.

“Masyado nang mapangahas ang ibang lending companies na nagsulputan. Hindi sila titigil hangga’t walang batas na magpapanagot sa mga maling gawain nila. Umaabot pa sa puntong pamamahiya at paninirang puri ang ginagawa nila sa mga nangutang sa kanila para lang makasingil,” sabi ni Gatchalian.

Nauna rito, inutos ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang pagpapasara sa KingABC Lending Corp., ang kompanya ng mga online lending platform na Pondo Loan, Start Loan, Green Loan, Loan Club, at Familyhan Credit Corp., dahil sa hindi makatarungang pangongolekta sa mga nagkakautang sa kanila, pagbabanta sa social media, at pananakot na magsasampa ng kaso.

“Hindi lamang administratibo ang dapat na maging pananagutan nila dahil ang mga maling gawain nila laban sa mga konsyumer tulad ng paglabag sa data privacy at cyber harassment ay may karampatang kriminal na parusa,” ayon kay Gatchalian, vice Chairperson ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2287 ni Gatchalian o ang panukalang ‘Financial Products and Services Consumer Protection Act’, pinagbabawalan ang mga hindi makatarungang pamamaraan ng pangongolekta ng mga financial service providers sa mga nagkakautang sa kanila at dapat nilang respetuhin ang pagkapribado at mga personal na impormasyon ng kanilang mga kliyente.

Pagkakakulong na hindi bababa sa isang taon at hindi hihigit sa limang taon o multa na aabot sa P2 milyon, o pareho base sa paghuhusga ng korte, ang ipapataw sa sinumang lumabag sa mga probisyon ng panukalang batas ni Gatchalian.

Bukod pa ito sa mga parusang ipapataw ng mga financial regulators sa ilalim ng kanilang umiiral na mga regulasyon o panuntunan.

Ang mga financial regulators katulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), SEC at Insurance Commission (IC) ay bibigyan ng kapangyarihan na magsagawa ng mga kaukulang hakbang laban sa mga supervised financial service providers katulad ng pagbabawal sa sobrang singil o mataas na interes, fees o charges pati na rin ang pagpapataw ng multa, suspensiyon o iba pang parusa dahil sa hindi pagsunod sa panukalang batas.

The post Gatchalian: Mga abusadong kolektor ng utang, ikulong! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-mga-abusadong-kolektor-ng-utang-ikulong/)