Hinimok ni Senadora Risa Hontiveros ang Department of National Defense (DND) na madaliin ang pagbuo at pagpapalawak ng mga pasilidad sa Kalayaan Island group sa West Philippine Sea kasabay ng paggunita ng bansa sa ikalimang anibersaryo ng tagumpay ng Pilipinas sa 2016 sa The Hague.

Ang desisyon ay ligal na tagumpay sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino na nagpatibay sa ating pagmamay-ari sa WPS.

“Magtayo at padamihin na ng DND ang mga pasilidad sa mga isla natin sa WPS. Kailangan nating ipakita sa China na hindi na tayo magiging passive tungkol sa ating tagumpay sa 2016,” ani Hontiveros.

“Kung hindi nakikinig ang Tsina sa panawagan natin, baka kailangang makita ng sarili nitong mata kung ano ang ibig nating iparating. Walang pagod at paulit-ulit nating hinihimok ang arbitral ruling sa ating mga salita pero dapat din umakma sa mga salitang ito ang ating mga ginagawa. Panahon na upang kumilos,” dagdag pa nito.

Sabi ni Hontiveros, maaari ring makipagtulungan ang DND sa mga LGU at iba pang mga ahensya, tulad ng Department of Science and Technology at ng Department of Agriculture, upang hikayatin ang aktibidad para sa mga sibilyan sa Kalayaan Island group.

Aniya, ang pagpapahintulot sa iba’t ibang mga aktibidad o mga espesyal na proyekto sa mga isla ay maaaring magpakita na ang mga isla ay bahagi nga ng teritoryo ng Pilipinas.

“Huwag nating tratuhin ang mga isla sa WPS bilang mga military outposts lamang, kundi pati na rin bilang mga teritoryong sibilyan na bahagi ng Pilipinas. If the Executive can devise a way that will allow for more activity in the islands, accompanied of course by security protocols, it can contribute to consolidating our sovereignty over the KIG,” ani Hontiveros.

“Kailangan ma-reinforce hindi lang ang ating militar, ngunit pati narin ang mga mamamayang makakabenepisyo sa mga isla natin sa WPS. Napakayaman sa langis, gas, isda, at maraming pang natural resources ang WPS at dapat mapunta lahat ng ito sa mga Pilipino,” saad pa nito.

Inulit din ni Hontiveros ang kanyang panawagan na opisyal na ipagdiwang ang National West Philippine Sea Victory Day tuwing Hulyo 12. Nauna nang naghain ang senadora ng Senate Resolution 762 na layong gunitain taon-taon ang ating tagumpay sa 2016 at ang mga pagsisikap ng administrasyon ni Aquino. 

The post Hontiveros minamadali DND sa pagtayo ng mga pasilidad sa WPS first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/hontiveros-minamadali-dnd-sa-pagtayo-ng-mga-pasilidad-sa-wps/)