Nanawagan si House Minority leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate kay Energy Secretary Alfonso Cusi na ituon ang atensyon nito para mapababa ang presyo ng kuryente at produktong petrolyo.

Kung pulitika pa rin umano ang magiging prayoridad ni Cusi ay makabubuti na magbitiw na lamang ito sa puwesto.

“He should resign first from his post so that someone who can do the job of lowering energy rate takes over,” sabi ni Zarate.

Si Cusi ay vice chairman ng PDP-Laban, ang partido ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Patuloy umano ang pagbigat ng pasanin ng mga mamamayan dahil sa pagtaas ng presyo ng kuryente at produktong petrolyo na nakakaapekto rin sa presyo ng pagkain.

“When will these price hikes stop and what is the DOE doing to mitigate these increases?” tanong ng solon.

Nagsagawa ng kilos-protesta ang Bayan Muna nitong Lunes sa tapat ng Meralco-Kamuning.

Inanunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) noong nakaraang linggo ang pagtataas ng P0.235 kada kiloWatt hour ngayong buwan.

Ngayong araw ay nag-anunsyo na ang ilang kompanya ng langis na magtataas ito ng P1.15 kada litro ng gasolina at P0.60 kada litro ng diesel simula Martes.

The post Kung puro pulitika aatupagin, Cusi dapat magbitiw—Bayan Muna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kung-puro-pulitika-aatupagin-cusi-dapat-magbitiw-bayan-muna/)