Nanawagan si Senador Panfilo Lacson sa mga Pilipino na pumili ng mga lider sa 2022 elections na hindi magiging “selective” sa paglaban sa korapsyon.

“Kailangan single standard, hindi selective; na ‘pag kakampi libre, ‘pag hindi kaalyado, puwedeng tuluyan,” paliwanag ni Lacson sa mga reporter sa La Union.

Dagdag niya, walang pa ring papalit sa “leadership by example”.

“If your subordinates so much as see you violating your own standards, why would they follow your orders? That is why there is no substitute for leadership by example,” aniya sa inilabas na statement ng kanyang opisina nitong Sabado.

Inihalimbawa niya ang naging karanasan nang maging hepe siya ng Philippine National Police mula 1999 hanggang 2001 kung saan nahinto ang kultura ng kotong dahil sa pagpapakita niya ng “pamumuno sa pamamagitan ng halimbawa”.

Sinusunod aniya ng mga tauhan niya ang “no-take policy” dahil maging siya ay sumusunod sa iisang pamantayan.

Samantala, sinabi niyang dapat maging matalino ang mga Pilipino sa pagpili ng mga susunod na lider ng bansa at isipin ang mga kasalukuyang problema ng bansa lalo ngayong pandemya.

“This is serious, very serious especially because of the pandemic. I think the decision we will make in 2022 is the most serious and important decision we all have to make and we should really think carefully,” wika niya.

Kaya naman umaasa at nagdadasal siya na huwag padala ang mga botante sa biro o pang-aaliw ng mga kandidato.

 “Ang babaw ng kaligayahan ng botante. Ma-entertain lang, mamura lang, mabiro lang, minsan nadadala. Napakalungkot,” saad niya. 

The post Lacson: Pumili ng mga lider na patas, huwag padala sa joke first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/lacson-pumili-ng-mga-lider-na-patas-huwag-padala-sa-joke/)