Hindi sang-ayon si Dr. Tony Leachon sa naging aksyon ng gobyerno na payagang makalabas ng tahanan ang mga batang edad lima pataas.

Sa panayam ng Abante Radyo Tabloidista, sinabi ni Dr. Leachon na mataas ang bantang makapitan ng COVID-19 ang mga bata dahil hindi pa bakunado ang mga ito ng COVID vaccine.

Dapat aniya ay tiniyak muna ng Inter-Agency Task Force ang kakayahan ng LGUs na mabantayan at matiyak ang kaligtasan ng mga bata sa labas.

“Ang pananaw ko diyan, wait and see ako kasi alam naman natin merong mga LGUs na wala namang park, at saka ang global data na lumalabas, yung mga unvaccinated na mga bata, sila yung nahahawa ngayon ng COVID all over the world yun ang lumalabas na data,’ ani Dr. Leachon.

Dapat aniya’y malinaw ang guidelines sa local leaders kung paano ipatupad ito dahil mayroong mga LGU na walang park, walang ecopark, hike trails at beaches.

“Ang personal opinion ko diyan, dapat malinaw yung guidelines. Pwede namang lumabas ang mga bata kaya lang dapat inaayos muna yung guidelines sa LGUs at magkaroon ng konsultasyon bago i-implement,” dagdag ni Dr. Leachon.

Sa halip aniya na edad lima, dapat ay edad 10 pataas ang payagang makalabas dahil delikado ang mga batang maliliit pa lalo na kung may mga sakit ang mga ito na posibleng mahawa at maging dahilan ng pagtaas muli ng COVID-19.

The post Leachon pinuna pagpapalabas sa mga bata first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/leachon-pinuna-pagpapalabas-sa-mga-bata111/)