Bumuo ng komite ang Department of Trade and Industry (DTI) para makagawa ng iisang pamantayan sa pagluluto sa mga kilalang pagkaing Pilipino tulad ng adobo, sinigang, lechon at sisig.

Sa pahayag noong Biyernes, sinabi ng Bureau of Philippine Standards (BPS), ahensiya na nasa ilalim ng DTI, na mayroon nang technical committee (TC 92) para gumawa ng Philippine National Standards (PNS) para sa mga pagkaing Pinoy partikular ang adobo.

Ikokonsidera sa proseso ang iba’t ibang diskarte ng pagluluto nito sa bansa at pamumunuan ang komite ng chef na si Glenda Barreto.

Ani BPS Director Neil Catajay, ang pagkakaroon ng iisang pamantayan sa pagluluto sa Philippine adobo ay makakatulong sa mga mamamayan at food business na malaman at mapanatili ang tunay na lasa ng Filipino adobo lalo na ngayong iba-iba na ang pamamaraan ng pagluluto nito online.

“With this, the question, ‘How can we say that this is the basic Philippine Adobo?’ serves as the main guide of BPS/TC 92 members in determining the common denominator among all the known ways of cooking it. Benchmarking the cooking technique for Philippine adobo will help preserve the country’s cultural identity despite the variations made to it,” pahayag ng BPS.

Ipakakalat nationwide ang draft PNS document sa adobo para marebyu ng mga kinauukulang stakeholder.

Nagsimula ang idea na pagkakaroon ng iisang pamantayan sa pagluluto ng mga pagkaing Pilipino noong Mayo 11 nang ilabas ang “Kulinarya: A Guidebook to Philippine Cuisine”.

Inakda ang guidebook ng anim na chef kabilang na si Barreto.

The post Luto ng adobo lalagyan na ng pamantayan first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/luto-ng-adobo-lalagyan-na-ng-pamantayan/)