Magpapatupad ng ‘very stringent’ o mahigpit na seguridad sa Batasan Complex sa Quezon City para sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes.

Ayon kay House Sergeant-at-Arms Ret. Police Major General Ma O Aplasca, nabuo ang ipatutupad na security protocol sa tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Presidential Security Group (PSG) para masiguro na ligtas si Duterte, mga miyembro ng Senado at Kamara de Representantes at iba pang bisita na dadalo sa SONA.

Nagsagawa na rin umano ng simulation mula sa pagusisa sa mga bisita hanggang sa matapos ang talumpati ng pangulo.

Samantala, isang Memorandum ang ipinalabas ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza kung saan nakasaad na magpapatupad ng lockout sa Batasan Complex mula Hulyo 23 hanggang 25.

Ang mga empleyado na kailangang pumasok sa Batasan Complex ay kailangang magsumite ng negatibong antigen test na ginawa ngayong linggo.

Sa araw ng SONA, ang mga dadalo ay kailangang magpakita ng negatibong nasal RT-PCR test na ginawa sa loob ng 48 oras bago ang Hulyo 26. Hindi tatanggapin ang saliva-based test result.

Magsasagawa naman ang Kamara ng RT-PCR testing para sa mga kongresista at empleyado na kailangang pumasok sa araw ng SONA sa Sabado at Linggo.

Ang lahat ng papasok sa Batasan Complex sa araw ng SONA ay muling sasailalim sa antigen testing na isasagawa ng PSG.

The post Mahigpit na seguridad ipatutupad sa huling SONA ni Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mahigpit-na-seguridad-ipatutupad-sa-huling-sona-ni-duterte/)