Kahit may pandemya ay hindi napigilan ang aabot sa 300 rider ng FoodPanda na magprotesta dahil sa diumano’y hindi patas na bayad ng naturang food delivery app sa kanila.

Nagsagawa ng motorcade ang mga rider sa Roxas Avenue, Davao City kung saan inirereklamo ng mga ito ang mababang pasahod ng FoodPanda buhat noong 2019.

Sa report ng Mindanao Times, hinayag ni Glen Costan, tagapagsalita ng Davao United Delivery Riders Association Inc. na simula Nobyembre 2019 ay nabawasan ng lampas kalahati ang kanilang kita kada delivery.

Aniya, kung noon ay P75 ang average na kita nila kada biyahe, ngayon ay bumaba na lamang ito sa P28.

Nireklamo din ng grupo ang inaawas umanong P280 kada buwan ng FoodPanda para umano sa insurance policy, ngunit nang may madisgrasyang rider ay hindi raw nito nagamit ang naturang insurance.

Hiling ng grupo na malaman kung paano kino-compute ng FoodPanda ang kanilang singgil kada biyahe.

“We are not asking for anything more than what we deserve. But we must know how the computation is done,” sambit ni Costan.

Aniya, sa 3,000 rider noon ay bumagsak sa 1,400 ang nanatili sa FoodPanda dahil sa mga hindi nalulutas na reklamo.

Sa kuhang larawan naman ng Davao Today, makikita na isang rider ang sinuspende ng 10 taon dahil sa planong mag-no show sa kanilang shift para dumalo sa protesta.

Wala pang pahayag ang FoodPanda tungkol sa hinaing ng kanilang mga rider sa Davao.

The post May sinuspende ng 10 taon! Mga rider umangal sa kaltas ng FoodPanda first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/may-sinuspende-ng-10-taon-mga-rider-umangal-sa-kaltas-ng-foodpanda/)