Itinanggi ng lokal na pamahalaan ng Mariveles, Bataan nitong Sabado ang ulat ng OCTA Research Group na nagsasabing ang bayan ay ‘very high risk’ pagdating sa COVID-19.

“With regards po sa OCTA Research, meron po kaming correction. Sa OCTA Research meron silang report na in a single day alone meron kaming something like 218 cases wherein mali po ‘yun dahil from July 5 to July 11, nasa 197 ang aming kaso,” pahayag ni Mayor Jo Castañeda.

Base sa huling report ng OCTA, tumaas sa 2.53% ang reproduction rate sa Mariveles mula Hulyo 5 hanggang 11, at 218 na mga bagong kaso ng virus ang naitala umano sa lugar noong Hulyo 11 lamang.

“So medyo may pagkakamali lang po siguro. Hindi naman kami very high risk pero high risk pa rin considering the fact na talagang tumaas ang kaso namin mula noong nagkaroon ng mass testing,” dagdag pa ng alkalde.

Nanawagan din si Castañeda na madagdagan ang suplay ng bakuna sa naturang bayan, dahil sa ngayon ay nasa 3,000 pa lang ang natuturukan sa Mariveles.

Samantala, may 563 active cases ngayon sa naturang bayan.

The post Mayor ng Mariveles pumalag sa OCTA report first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mayor-ng-mariveles-pumalag-sa-octa-report/)