Nangunguna sa kasalukuyan ang Metro Manila pagdating sa dami ng nabakunahan na laban sa coronavirus habang pinakamababa ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil sa maliit nitong populasyon at hamon sa paghahatid ng bakuna.

Sa kabila nito’y tiniyak ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na nabibigyan ng bakuna kontra COVID ang BARMM.

“In terms of pinakamababa, of course, (BARMM) because the population is small. We have challenges in delivering vaccines to the BARMM but we want to assure everybody we are also giving vaccines to the BARMM,” saad ni Cabotaje sa online briefing kahapon, July 9.

Matatandaang noong Mayo, malaking bahagi ng limitadong supply ng COVID vaccine ay ibinuhos sa NCR+8 o ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Pampanga, Batangas, Metro Cebu at Metro Davao dahil sa pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa nasabing mga lugar.

“Nag-focus tayo sa NCR. Most of their A1, A2 and A3, pinakamatataas iyan na coverage. Sumusunod na po ‘yung ating Plus 8,” sambit pa ni Cabotaje.

Hanggang July 8, nasa 9.5 milyong katao na ang naturukan ng unang dose sa Pilipinas habang 3.2 milyon naman nabakunahan na ng pangalawang dose o mga fully vaccinated individual, sabi pa ng Health official. 

The post Metro Manila una sa turukan, BARMM kulelat first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/metro-manila-una-sa-turukan-barmm-kulelat/)