Hindi kasama ang mga bata sa Laguna at Cavite sa mga maaaring lumabas ng bahay at makagala dahil sa ipinaiiral na heightened restrictions sa kanilang community quarantine classification.

Ito ang nilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos dagsain ng mga tanong sa ipinalabas na resolusyon ng Inter-Agency Task Force kung saan pinapayagan na ang mga batang edad 5 pataas na makalabas at makapasyal sa outdoor na mga lugar.

Sinabi ni Roque na hindi pa pupuwedeng lumabas ang mga batang nasa mga lugar nasa modified enhanced community quarantine (MECQ) at enhanced community quarantine (ECQ).

“Ang Laguna, Cavite mayroong heightened restrictions so hindi po sila kasama,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na pupuwede na ang mga bata sa Metro Manila kahit mayroong umiiral na bahagyang paghihigpit.

“Ang hindi pupuwede ay yung heightened restrictions, yung merong restrictions, pupuwede na, kasama dito ang NCR,” dagdag ni Roque.

Binigyang-diin ni Roque na isinaalang-alang sa desisyon ang mental na kalusugan ng mga bata dahil mahigit isang taon nang hindi nakakalabas ang mga ito at mayroon na aniyang epekto sa mental at pisikal na kalusugan ang matagal na pananatili sa loob lamang ng bahay.

“Binabalanse natin dahil mahigit isang taon nang hindi lumalabas ang mga kabataan at mayroon pong impact sa kanilang mental at pisikal na kalusugan,” wika ni Roque. 

The post Mga bata sa Laguna, Cavite hindi kasama sa puwedeng lumabas first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-bata-sa-laguna-cavite-hindi-kasama-sa-puwedeng-lumabas/)