Kinalampag ng Malacañang ang mga local government unit (LGU) para bilisan ang encoding ng mga bakunadong mamamayan sa verification database system na ginawa ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Sa ganitong paraan ay mabilis na mabe-verify ang datos ng mga bakunado bilang paghahanda sa pag-digital sa mga vaccination card sa pamamagitan ng Vaccine Information Management System (VIMS) ng DICT.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na tinututukan na ng DICT at Department of Interior and Local Government (DILG) ang uploading ng datos ng mga LGU dahil mayroong backlog aniya ngayon sa record ng mga bakunado.

“Ang pakiusap ng DICT sa LGUs ay bilisan at i-implement nila ‘yung tuluyang continuous uploading nila doon sa VIMS. Ang kailangan lang po nila ay ‘yung constant pag-upload,” ani Nograles.

Sa sandaling naipasok sa database ng DICT ang datos ng mga bakunado, sinabi ni Nograles na mas madaling ma-verify ng mga LGU ang vaccination status ng mga indibiduwal kahit sa pamamagitan lamang ng smartphone o printed copy ng QR code.

“Pag mataas na yung uploading ng LGUs, then mas marami sa atin ang gagamit na ng digital na ID card so mas madali na for the LGUs to verify kasi whether on the smartphone or sa internet i-print ninyo, mayroon na kayong maipapakita na proof na bakunado kayo,” dagdag ni Nograles.

Sinabi ni Nograles na magagamit din ito kapag bumiyahe palabas ng bansa.

The post Mga LGU kinalampag ng DICT: Encoding ng bakunado bilisan first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-lgu-kinalampag-ng-dict-encoding-ng-bakunado-bilisan/)